3/01/2010

Vice Ganda sa “The Buzz Tough Ten”

Vice Ganda sa “The Buzz Tough Ten





First time sumalang ni Vice Ganda sa “The Buzz Tough Ten” last Sunday, February 21, at hinarap niya ang sampung mga tanong ng host na si Boy Abunda.
Bago sinimulan ang segment na ito ay tinanong muna ni Boy si Vice kung ano ang pakiramdam na he finally made it in showbiz?
“Masarap po, sobrang sarap!” bulalas ni Vice. “Kasi ipinagdasal ko rin naman po ito. Sobrang matagal kong ipinagdasal. Pero hindi ko inabangan, hindi ko in-expect, dumating nang kusa. Kasi kung in-expect ko, siguro noon pa lang nasaktan na ako kaka-expect ko.”
Nagpasalamat din siya sa lahat ng sumusubaybay ng Showtime kung saan siya ang tinaguriang “unevictable hurado” kasama ang mga hostna sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Kim Atienza, Teddy ng bandang Rocksteddy, at Jugs ng Itchyworms.
“Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat na sumusubaybay ng Showtime at talaga namang sumusubaybay at nakatutok at nag-aabang sa mga sasabihin ko. Maraming salamat po.”
Pinasalamatan din ni Vice ang kanyang manager na si Ogie Diaz. Matapos niyang mag-plug ng kanyang mga upcoming out-of-town shows at first major concert niya sa Araneta Coliseum sa May 15 ay sinimulan na ang tanungan.
Tough Ten Question No. 10: Vice, lima kayong magkakapatid, tatlo ang bakla. Ang tanong, ikinahiya ba kayo ng inyong pamilya? Inalipusta ba kayo ng mga tao?
“Uunahin ko siguro yung inalipusta. Yung inalipusta, opo. Hindi natin mapipigil yun, e. Nang-aalipusta talaga ang lipunan lalo na dito sa Pilipinas, nang-aalipusta ng bakla. Pero hindi lang sa Pilipinas, sa buong mundo. Kaya bilang bakla, normal na nararanasan ng lahat ng mga bakla ang nang-aalipusta. Kaya naalipusta rin po kami.
“Pero sa pamilya, hindi ko masasabing ikinahiya kami, lalo na ng nanay ko. Hindi kami ikinahiya ng nanay ko. Maaaring sabihin ko na hindi ganun kadaling natanggap, pero hinding-hindi po kami ikinahiya ng pamilya ko,” sagot ni Vice.
Tough Ten Question No. 9: Alam naming crush mo si Jon Avila. Nagkaroon daw ng isang palabas sa Cebu, dinaanan-daanan ka lang niya. Na-turn off ka na hindi ka niya pinansin. Nasaktan ka ba?
“Opo!” mabilis na sagot ni Vice.
Nagkaroon ka ba ng pagkakataon na makausap si Jon at ipaalam itong naramdaman mo?
“Hindi na kami nagkausap kasi may karera noon. May laban ako, hindi ko na siya naano,” biro ni Vice. “Hindi po, nag-text siya. Sinabi niya po kasi na hindi niya raw talaga ako nakita. Kaya nauunawaan ko na naman siya. Sabi ko, ‘A, baka talagang hindi mo ako nakita. Maaaring sa laki kong ito hindi mo talaga ako makikita.”
Tough Ten Question No. 8: Kabayo, tikbalang at kung anu-ano pang mga mapanirang turing sa iyo. Napipikon ka ba, Vice Ganda?
“Hindi po, pinagkakakitaan ko ‘yan,” tugon niya.
Tough Ten Question No. 7: Ang punchline mo sa Showtime ay, “May nag-text.” Halimbawa lamang nag-uusap tayo ngayon, kung meron mangte-text, sino ito at ano ang laman ng text?
“May nag-text: Vice Ganda, ang ganda mo talaga. Kamukhang-kamukha mo si Ruffa. Alam ko ‘yan, ako ang iyong tunay na ina, Annabelle Rama,” sagot ni Vice na ikinatawa ni Boy at ng mga tao sa studio. “Baka magalit sa akin si Ruffi,” pahabol niya.
Tough Ten Question No. 6: Pilit na pinagtatapat kayo ni Chokoleit. Ano ang pinakaayaw mo sa kanya at ano ang pinakagusto mo kay Chokoleit?
“Ang pinakaayaw ko po sa kanya ay yung oiliness at tighiyawat niya. Prangkahan na!” natatawang sabi ni Vice. “Yun lang ang ayaw ko. Kasi pag nakikita ko yung tighiyawat niya, natatakot ako na baka sumapi sa akin. Kaya pinapakiusapan ko siya na, ‘Pakiusapan mo rin ‘yang mga tighiyawat mo na huwag sumama sa akin pauwi. Hayaan mong manatili sa iyo.’”
Ano naman ang sinasabi ni Chokoleit?
“Sabi niya, ‘Ay naku, hindi ko ipinamimigay ‘yan. Akin lang ‘yan.’ Mahal ko si Chokoleit. Bukod doon, wala akong ayaw sa kanya.”
Ano ang pinakagusto mo sa kanya?
“Pinakagusto ko kay Chokoleit, kaibigan ko siya. At yun ang gusto ko sa kanya.”
Tough Ten Question No. 5: Isa kang star judge sa Showtime. Ang untold shocker, may isang grupo raw na nanalo dahil sa iyo. Pero dahil hindi ka raw pinagbigyan ng isang lalaking kasama sa grupo, noong sumunod na sumalang sila ay ipinatalo mo. Comment?
“Isa iyan sa mga pinakakorning joke na narinig ko. Unang-una, kung papanoorin n’yo at panonooring n’yo ulit sa napakaraming site sa Internet yung episode na yun na monthly finals, yung nanalo nung araw na yun sa monthly finals, ang scores ng lahat ng judges, 10. Yung scores ng sinasabing miyembro ng grupong yun na hindi nanalo, hindi sila naka-perfect 10. Kahit bigyan ko sila ng 15, hindi pa rin sila mananalo. Meaning to say, hindi lang ako ang nagpatalo sa kanila. Lahat kaming hurado dahil hindi lang ako ang isang hurado doon, lima kami. Kaya bakit ako lang ang sisisihin nila?” paliwanag ni Vice.
Tough Ten Question No. 4: Vice, magaling kang mag-basketball. Bibigyan ka ng pagkakataong makalaro ang isang artistang lalake, one-on-one basketball. Sino ito at bakit?
“Si Jon Avila. Gusto ko siyang makalaro para sa pagkakataong iyon susupalpalin ko siya,” malamang sabi ni Vice.
Tough Ten Question No. 3: You’re late father talked about it na ikaw raw ang paborito niyang anak. Pero hindi niya alam na ikaw ay bakla. Kung bibigyan ka ng pagkatataon na halimbawa makausap ang tatay mo ngayon, ano ang nais mong sabihin sa kanya?
“Gusto kong sabihin sa kanya at tatanungin ko sa kanya kung malamig ba doon? Malamig ba diyan kasi pag nararamdaman kita, parang malamig ang nararamdaman ko,” biro ni Vice. “Hindi, kidding side, gusto kong sabihin sa kanya na nalulungkot ako dahil sa tagumpay na nararamdaman ko ngayon at nararanasan, hindi ko siya kasamang nararanasan ang lahat ng ito. Gayunpaman, masayang-masaya ako dahil alam ko na kahit nasaan ka, nakikita mo ako at pumapalakpak ka habang nanonood.”
Tough Ten Question No. 2: Your mom is in abroad. Pinaaayos mo ngayon ang inyong bahay because nais mo sanang siya ay umuwi rito at dito na siya tumira kasama ka. Vice, kung meron isang bagay na isusumbong mo sa iyong ina, ano iyon at bakit?
“Ano… ayoko talaga ng tsikahang ina,” at naging emosyonal na si Vice. “Ayokong magsumbong sa nanay ko. Kasi pag nagsumbong ako sa nanay ko, masasaktan siya. Alam mo yun? At kahit siguro hindi ako magsumbong sa nanay ko, ang mga ina alam na alam nila ang mga pinagdadaanan ng mga anak nila. Kaya ako nalulungkot ngayon, hindi naman ako nasasaktan dahil doon sa mga sinasabing intriga, yung panlilibak, yung mga kasinungalingan. Nasasaktan ako kasi alam ko, may mga importanteng tao sa buhay ko na nasasaktan para sa akin. Yung nanay ko alam ko masasaktan siya. Yung mga kapatid ko naaapektuhan sila.”
“Talk to them,” sabi ni Boy.
“Lagi kong nakakausap ang nanay ko. Kaya nga kahit nasasaktan na ako, tuloy pa rin ako. Kasi sinasabi ng nanay ko, ‘Anak, I’m so proud of you. Kasi ang dami mong napapasayang tao sa pamamagitan ng pamamaraan na alam mo. Kaya ituloy mo lang iyan.’ Kaya ako, wala akong ibang susundin kundi ang nanay ko. Itutuloy ko ito.
“Kaya ikaw, kayo, kayong lahat na nagsasabi ng masasama tungkol sa akin. Kayong lahat na lumikha ng mga kasinungalingan na ito sa akin na nababasa sa diyaryo at kung saan-saan, hinahamon ko kayo. Puntahan n’yo ang nanay n’yo. Sabihin n’yo sa kanya na kayo ang lumikha at humabi ng lahat ng malisyong kasinungalingang ito. Titigan n’yo siya sa kanyang mga mata para malaman n’yo kung napasaya ninyo sa ginawa n’yo ang inyong ina. Yun lang,” pahayag ni Vice.
Tough Ten Question No. 1: May relasyon ito doon sa iyong sinabi Vice. Sikat ka na ngayon. May mga taong gusto ka at may mga taong bumabatikos sa iyo. Ang mga akusasyon ay lumaki na raw ang iyong ulo, masakit ka raw magsalita sa Showtime, nilamon ka na raw ng tagumpay. Bilang pagtatapos ng pag-uusap na ito, anong nais mong sabihin?
“Kung nilamon ako ng tagumpay, wala na ako ngayon dito dahil nasa sikmura na ako ng tagumpay. Pero since naririto pa ako, walang nakakakain sa akin kahit tagumpay,” makahulugang biro ni Vice.
Dagdag niya, “Kung sinasabi nilang mayabang ako, oo, mayabang. At napakaraming dahilan na ipinagmamayabang ko. Napakaraming bagay na ipinagmamayabang ko. Mayabang ako at ipinagmamayabang ko at ipinagmamalaki kong Pilipino ako. Ipinagmamayabang kong bakla ako. Ipinagmamayabang kong anak ako ng mga magulang ko. Ipinagmamayabang kong ako si Vice Ganda. Ipinagmamayabang kong bahagi ako ng Showtime. Ipinagmamayabang kong Kapamilya ako. Marami akong bagay na ipinagmamayabang.
“Pero gayunpaman, hindi ito pumapasok sa utak ko para manlamang ng tao. Mayabang ako pero hindi ako nagnanakaw, hindi ako pumapatay. Kung mayabang man ako, huwag mo akong panoorin. Lahat ng tao ay isinilang na may kaakibat na kalayaan. Kung ayaw mo akong panoorin, lumipat ka, ilipat mo ang istasyon ng telebisyon na pinanonood mo. Pero bakit nanonood ka pa rin? Dalawa lang siguro ang dahilan niyan. Una, baka naman talagang nag-e-enjoy ka sa akin. O pangalawa, hindi ko na kasalanan kung walang baterya ang remote control n’yo. At kahit anong sabihin n’yo sa akin, batuhin n’yo man ako ng masasakit na intriga, pukulin n’yo man ako ng pagkasakit-sakit, hindi pa rin kayo magwawagi. Dahil naniniwala ako, mula umaga hanggang gabi, meron akong Diyos na kakampi.”
May huling mensahe pa si Vice. Aniya, “Hindi po ako magbabago. Patutunayan ko po sa inyo na hindi lahat ng kabayo ay pagtakbo lang ang kakayahan. May mga kabayo rin na may pakpak at pwedeng lumipad. At sa paglipad kong ito, hindi naman ako magpapakataas-taas. Paaalahanan ko pa rin ang sarili ko na mayroon akong apat na mahahabang paa na magbabalik sa akin upang muling tumapak sa lupa.”

Our Source: Yahoo News

No comments: